8-ANYOS GINAHASA, PINATAY NG AMANG BAGONG LAYA

RIZAL – Inamin sa mga awtoridad ng isang amang kalalaya lamang sa kasong ilegal na droga, na siya ang gumahasa at pumatay sa 8-anyos niyang anak na babae na natagpuang nangangamoy sa kanal sa bayan ng Taytay sa lalawigang ito.

Kinilala ni P/Lt. Gremalyn Bernardo, hepe ng Women and Children’s Protection Desk ng Taytay PNP, ang suspek na si Romeo Garcia ng Sitio Tibagan, Brgy. Dolores.

Ayon kay P/Lt. Bernardo, sinabi ng ama noong nakaraang Linggo ng gabi, pinaligo nito sa balon ang 8-anyos na anak at inutusan na magbihis sa banyo kung saan nito sinundan at hinalay.

Ngunit sumigaw umano ang biktima kaya sa kanyang pagkataranta ay napatay niya sa sakal ang anak.

Nauna rito, sinabi ng suspek na dakong alas-9:00 ng gabi noong Enero 16, katabi nitong natulog ang anak at paggising niya ng ika-11:00 ng gabi ay wala na ito sa kanyang tabi.

Nabatid mula sa mga awtoridad, noong Disyembre 01, 2021, nang makalaya si Garcia sa kasong ilegal na droga, napansin ng mga volunteer tanod sa kanilang lugar na kakaiba ang ikinikilos nito.

Ayon sa pahayag ng tanod na si Janelle Apas sa pulisya, hindi na umano maayos ang pag-iisip ng suspek dahil sa paggamit ng droga.

Noong Huwebes ng hapon, Enero 20, isang bata ang nakaamoy ng masangsang mula sa kanal at nakita na nilalangaw ang loob nito.

Bunsod nito, winasak ng magkakapitbahay ang bahagi ng kanal at tumambad ang bangkay ng batang babae na may takip sa ulo at walang saplot pang ibaba.

Nabatid na ang kanal na kinatagpuan sa bangkay ng biktima ay katapat lang ng bahay ng mag-ama.

Isasalang sa autopsy ang bangkay para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.

Nahaharap ang suspek sa kasong rape at homicide, ayon sa nakuhang judicial confession nito. (KNOTS ALFORTE)

149

Related posts

Leave a Comment