CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa natagpuan na walong pirasong rifle grenades sa gilid ng kalsada sa Imus City noong Huwebes ng umaga.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng umaga nang matagpuan ang rifle grenades sa gilid ng kalsada sa kahabaan ng Advincula Ave., Brgy. Alapan 1-C, Imus City.
Nabatid mula kay Jimmy Sulit, 52, Eco Aide ng Imus City CENRO, namumutol siya ng damo sa nasabing lugar nang mapansin niya ang isang itim na backpack.
Nang kanyang buksan ang backpack ay natuklasan niya ang laman nitong walong pirasong rifle grenades.
Agad niyang ipinag-alam ang natagpuan sa Cavite Explosive and Ordnance Division (EOD) na kinordon ang lugar at ang bag na kinaroroonan ng live rifle grenades.
(SIGFRED ADSUARA)
