PATULOY na binabantayan ng Philippine Army ang apat nilang mga tauhan na malubhang nasugatan matapos ang dalawang araw na pakikipagsagupa sa hanay ng Dawlah Islamiyah terror group, na ikinamatay ng siyam na terorista sa Lanao del Sur.
Ayon sa ulat na ipinarating kay Army Commanding General Lt. General Roy Galido, nakasagupa ng kanilang 3rd Scout Ranger Battalion, na nasa ilalim ng 103rd Infantry (Haribon) Brigade, 1st Infantry Division, ang isang malaking grupo ng mga armadong kasapi ng Dawlah Islamiyah sa Barangay Tapurong, Piagapo, Lanao del Sur.
Nagresulta ito sa serye ng mga engkwentro noong Enero 25 at 26, 2024, kung saan na-neyutralisa ang siyam na mga terorista na kinilalang nasa likod na madugong pagpapasabog sa Marawi State University noong Disyembre 3, 2023.
“Our thoughts and prayers are with the four soldiers who sustained injuries during the said operation. They were transported to Amai Pakpak Medical Center for urgent medical attention. We remain committed to ensuring their swift recovery,” ani Gen Galido.
(JESSE KABEL RUIZ)
399