ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Atty. Ferdinand Negre bilang bagong commissioner ng Philippine Competition Commission (PCC).
Itinalaga ng Pangulo si Negre noong Pebrero 27, base sa listahan ng mga bagong presidential appointees na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), araw ng Huwebes.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 10677 o Philippine Competition Act (PCA), ang PCC ay dapat binubuo ng chairperson at apat na commissioners.
Ang chairperson ay mayroong rank o ranggo na katumbas ng Cabinet secretary habang ang commissioners ay undersecretaries.
Itatalaga ang mga ito ng Pangulo para sa termino na pitong taon na walang reappointment.
Ang PCC ay isang independent quasi-judicial body na may mandato na magpatupad ng national competition policy at ipatupad ang PCA na magsisilbi bilang primary law sa Pilipinas para sa pagpo-promote at pagprotekta sa market competition.
Samantala, itinalaga naman ng Pangulo si Gerald Divinagracia bilang deputy director-general ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), habang sina Grace Fernandez at Leonardo Tapia ay kapwa Director IV ng kahalintulad na tanggapan.
Nilikha sa bisa ng RA 11032, ang ARTA ay isang ahensya ng pamahalaan na may mandato na i-monitor at tiyakin ang pagsunod ng state departments at tanggapan sa national policy hinggil sa anti-red tape at pagaanin ang pagnenegosyo sa bansa.
Itinalaga naman ni Pangulong Marcos sina Rhoda Caliwara at Lucila Tarriela bilang mga miyembro ng National Tripartite Industrial Peace Council (TIPC), kapwa tatayong kinatawan ng employers’ sector.
Itinalaga rin ng Punong Ehekutibo sina Temistocles Dejon Jr. at Gerard Seno bilang National TIPC members, kinatawan ng labor sector.
Ang National TIPC ay nagsisilbi bilang main consultative at advisory mechanism na naka-angkla sa Department of Labor and Employment – Bureau of Labor Relations.
Ang iba pang newly appointed government officials ay sina Debbie Torres (Director IV sa Department of the Interior and Local Government) at Jose Albert Barrogo at Luz Marcelino (both Director III sa Department of Agriculture).
Pebrero 27, 2023 nang tintahan ni Pangulong Marcos ang appointment papers ng mga ito. (CHRISTIAN DALE)
