AFP, PNP MEDICS PINADE-DEPLOY SA MGA OSPITAL

INATASAN ni Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na mag-deploy ng mga miyembro ng medical corps dahil sa tumataas na COVID-19 cases sa mga health worker.

Sinabi ng pangulo na maraming health workers ang nagkakasakit ng COVID-19, habang nasa ospital na punum-puno ng mga pasyente na tinamaan ng nasabing sakit.

“I’m ordering the medical corps of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police… Please place your human resources on ready, on deck because talagang alam mo, ‘yan talaga ang madali kong maasahan,” anito.

Sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipinag-utos na niya ang deployment ng ilang nurses sa St. Luke’s Medical Center bago pa siya inatasan ng pangulo.
“Patuloy pa silang mangangalap sa mga probinsya kung puwede pang magbigay ng nurses,” aniya.

Ilang health professionals ang nagpahayag na magbibitiw na lamang sa propesyon dulot ng matinding hirap na pinagdaraanan sa paglaban sa pandemya. Nagsagawa naman ng kilos-protesta ang ibang health workers dahil sa unpaid benefits, kabilang na ang special risk allowances. (CHRISTIAN DALE)

66

Related posts

Leave a Comment