ANTI-BALIMBING BILL LUSOT NA SA KAMARA

LUMUSOT na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas laban sa mga balimbing na politiko.

Sa pagdinig ng House committee on suffrage and electoral reform na pinamumunuan ni Mt. Province Maximo Dalog Jr., agad pinagtibay ang House Bill (HB) 488 na inakda ni Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Kasunod ito ng mosyon ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na gamitin ang Section 48 Rule 10 of the House Rules kung saan hindi na kailangang habaan ang deliberasyon sa panukala dahil noong nakaraang Kongreso ay pinagtibay na ito sa ikatlo at huling pagbasa.

Layon ng panukala ni Arroyo na patatagin ang sistema ng partido pulitikal sa bansa dahil sa ngayon ay ginagamit na lamang ito ng mga politiko para sa kanilang kandidatura.

“Our history tell us that political parties in the Philippines are normally used only as vehicles to win election. Hence, most political aspirant changes political parties for convenience, rather than because of conviction,” paliwanag ni Arroyo sa kanyang panukala.

Sinabi ng dating Pangulo na ang ganitong gawain ng mga politiko ay nagpapakita ng kawalan ng “ideological commitment” sa partidong nagpanalo sa kanila sa sinalihang halalan.

“Turncoatism should never be encourage nor tolerated since it only distort the concept of word of honor and dignity of a leader,” dagdag pa ni Arroyo.

Kapag tuluyang naging batas, ang politiko na babalimbing o lilipat ng ibang partido pagkatapos ng eleksyon ay babawian ng posisyong pinanalunan.

Ipasasauli rin sa mga ito ang lahat ng gastos ng partido na may tubong 25%, pagbabawalan din silang tumakbo sa anomang posisyon at hindi maaaring italaga sa gobyerno sa loob ng tatlong taon. (BERNARD TAGUINOD)

38

Related posts

Leave a Comment