Ayon sa kampo ng kongresista GOBYERNO ‘G NA G’ KAY TEVES

HINDI na ikinagulat ng kampo ni Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ang panibagong banat ng gobyerno.

Ito’y matapos ikasa ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus ‘Crispin’ Remulla ang pagsasampa ng 3 counts ng murder laban sa mambabatas kaugnay sa pagpatay sa tatlong indibidwal noon pang 2019.

Sa pahayag ni Remulla sa media, isasampa ng DOJ prosecutors sa Manila Regional Trial Court ngayong linggo ang mga kaso kaugnay sa pagpatay sa isang NegOr board member, bodyguard ng kandidatong mayor at isa umanong hitman na pawang ibinibintang muli sa kongresista.

Ayon naman sa abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, hindi na sila nasorpresa at inaasahan na nilang mayroong gagawing panibagong panggigipit ang Justice department matapos na mabigo si Remulla na idiin si Teves sa pagpatay kay Governor Roel Degamo at sa siyam na iba pa sa nangyaring Pamplona massacre noong nakaraang March 4.

Matatandaang binawi ng mga nahuling suspek kabilang ang ilang dating sundalo ang naunang salaysay ng mga ito na si Teves ang mastermind sa masaker. Ikinatwiran nila na tinorture at tinakot sila at kanilang pamilya para ituro si Teves na nasa likod ng krimen.

Maging ang mga netizen ay nahihiwagaan na rin umano sa pagpapatakbo ni Remulla sa isang departamento na dapat ay para sa tamang hustisya ngunit nagiging personal. Pinuna rin nila na tila ginagamit ang kapangyarihan ng mga opisyales na nakapaligid sa Pangulo upang makaganti kay Teves.

Naniniwala silang dahil ito sa mga ibinunyag kamakailan ng kongresista tungkol sa kapalpakan ng pamahalaan, pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin, talamak na korupsyon sa gobyerno at ang kaugnayan ng isang Bebot Nolan sa first family. Si Nolan ay nagtago umano sa ibang bansa noong kainitan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Teves na aktibo ngayon sa paglaban sa kapabayaan ng pamahalaan ay nanawagan kamakailan sa kanyang Facebook live na magkaisa muli ang mga Pilipino na isigaw at ipahayag ang tunay na nangyayari sa bansa gamit ang social media.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

99

Related posts

Leave a Comment