BABAE, 2 KASABWAT KULONG SA NAKAW NA P.3-M BINTANA

KALABOSO ang isang babae at dalawa nitong kasabwat dahil sa umano’y pagnanakaw ng P292,700 halaga ng sliding at awning windows sa isang bodega sa Barangay Paso De Blas, Valenzuela City.

Dinakip ng mga awtoridad sina Marivic Manaog, 29, office staff, ng Barangay Paso De Blas;  Mark Dorenn Alcomendras Ortega, 30, supervisor, ng Barangay Gen. T. De Leon, at Ferdinand Pletchetero, 31, production staff, ng Barangay Bignay, pawang ng lungsod, at mga empleyado ng isang kumpanya ng bintana.

Ayon sa pulisya, nabulaga ng isang staff  ng kumpanya na si alyas “Daisy” si Pletchetero na naglalabas ng limang pirasong sliding windows na may screen at nang tanungin ang manager kung siya nagbigay ng order na ilabas ang sliding windows, ay tumanggi ang huli.

Ngunit inginuso umano ni Pletchetero na sina Manaog at Ortega ang nag-utos sa kanya.

Agad dumulog si Daisy at ang general manager ng kumpanya sa dalawang miyembro ng barangay security force at pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nasamsam ng mga pulis ang 79 pirasong sliding windows with screen, at 43 piraso ng awning clear glass windows sa bahay ni Manaog. (ALAIN AJERO)

Related posts

Leave a Comment