BADJAO BIGYAN NG DISENTENG KABUHAYAN -PBBM

(CHRISTIAN DALE)

NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iahon mula sa pamamalimos ang mga Badjao kaya inatasan niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ang mga ito ng disenteng kabuhayan.

Para sa Pangulo, kung may maayos na ikinabubuhay ang mga Badjao ay hindi na sila luluwas pa ng Maynila para mamalimos sa tuwing sumasapit ang Kapaskuhan.

Ito ang inihayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo matapos pangunahan ang pamamahagi ng cash assistance sa 500 pamilyang Badjao, nitong Lunes.

Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng P10,000 cash bilang ‘start-up capital’ mula sa DSWD, sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation Program ng departamento.

Kabilang sa recipients ang mga Badjao na nasagip o nailigtas ng DSWD sa mga lansangan sa Maynila. Karamihan sa mga ito ay mula sa lalawigan ng Basilan at Sulu.

“This is the reason why we came here today. We want to solve the problem of the Badjao in going to Manila to beg every Christmas,” ani Tulfo.

Inanunsyo rin ni Tulfo na sa mga darating na linggo, magtatayo ang DSWD ng wet market kung saan maaaring ibenta ng mga Badjao ang kanilang produkto.

Sa katunayan, nakipag-ugnayan na aniya siya kay Zamboanga City Mayor John Dalipe ukol sa wet market project para sa mga Badjao.

Samantala, nakipagtulungan naman ang DSWD sa local Civil Registrar Office sa paglulunsad ng birth certificate registration program para sa mga Badjao payout recipients sa Zamboanga City.

“Since they don’t have birth certificates, they are not entitled to receive benefits and avail of sustainable livelihood program of the government,” ayon kay Tulfo sabay sabing ang Zamboanga City ang magiging pilot area ng birth certificate registration program para sa indigenous peoples (IPs).

Sinabi ni Tulfo na ilulunsad din ang naturang programa sa buong bansa para sa kapakinabangan ng IPs sa Luzon island at mga lalawigan ng Mindoro, Cotabato, Davao at Palawan.

Kahapon ay nagtungo ng Basilan at Sulu ang grupo ni Tulfo para magbigay pa rin ng livelihood assistance sa mga Badjao.

35

Related posts

Leave a Comment