BAG NG DATING AKTRES HINABLOT, SNATCHER TIMBOG

ARESTADO ang 30-anyos na snatcher makaraang hablutin ang bag ng dating aktres habang nakatayo sa harapan ng isang kilinika sa Quezon City.

Kinilala ang biktimang si Erica Benito Davantes, 43,  may screen name na Hazel Espinosa, walang asawa, negosyante, at residente ng Brgy. Damayan Lagi, Quezon City.

Ang naarestong suspek ay kinilala namang si Abdul Mohammad Bocua, 30, binata, tubong Marawi, at nakatira sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Ayon sa report ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-9:00 ng gabi noong Oktubre 20 nang mangyari ang insidente sa harapan ng E.B. Davantes Aesthetic Clinic sa Brgy. Laging Handa, sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/CMS Wilmore M. Bataanon ng PS 10, nakatayo ang biktima nang sumulpot ang suspek na sakay ng motorsiklo at bigla na lamang hinablot ang dalang bag nito saka mabilis na tumakas.

Agad na humingi ng saklolo ang aktres sa mga awtoridad at naabutan ng nagrespondeng mga operatiba na sina P/Maj. Adonis Paul Escamillan, P/SMS Neleazar Torrijos, P/SMS Guillermo Deudor Jr., P/SSgt. Mark Anthony Marfilla, P/Cpl. Cyrus Ticar, P/Cpl. Ryan Binosa, Pat. Lenro Garay, Pat. John Marco Ortiz at Pat. John Mikerhak Saria, ang suspek sa Roces Avenue, Quezon City na agad nilang naaresto.

Narekober mula sa suspek ang mga ninakaw na iPhone X na nagkakahalaga ng P70,000, Samsung Flip Z3 (P60,000), at iPad Mini 6th gen (P42,000). Hindi naman nabawi ang Manggo Bag (Crocodile leather), Vivo S1 Pro, Louis Vuitton wallet, ATM, credit card,  ID, Victoria Secret cologne, yellow gold ring at ang mga susi ng clinic at bahay.

Kasong robbery na may kaugnayan sa RA 11235 o “Act Preventing and Penalizing the Use of Motorcycles in the Commission of Crimes”, ang haharapin ng suspek. (LILY REYES)

15

Related posts

Leave a Comment