(NI DAHLIA S. ANIN)
NAKATAAS ngayon ang Signal no. 2 sa Batanes dahil sa paglakas ni Bagyong Ineng, habang tinatahak ang direksyon patungong HilagangKanluran, ayon sa Pagasa.
Habang nasa ilalim naman ng signal no. 1 ang Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte.
Nagbabala naman ang Pagasa sa mga residente ng nabanggit na lugar na mag-ingat dahil sa malakas na hangin dala ng Bagyong Ineng.
Delikado rin umano ang pagbiyahe sa Eastern Seaboard ng Central Luzon, Southern Luzon at Visayas,at mga lugar na may nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) dahil sa malakas na alon.
Huling namataan ang bagyo sa layong 500 kilometro HilagangSilangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 510 kilometro ng Silangan ng Calayan, Cagayan.
Kumikilos ang bagyo patungong Hilaga-HilagangKanluran na may bilis na 25kph, habang 95kph naman ang hangin nito at may bugsong 115kph.
Ayon sa Pagasa, hindi inaasahang tatama sa lupa ang bagyo at inaasahang lalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng gabi.
