(NI JEDI PIA REYES)
LUMAKAS pa at nabuo na bilang ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) na inaasahang magpapa-ulan sa CARAGA, Eastern Visayas at Bicol Region.
Tinawag na ‘Jenny’ ang ikatlong bagyo ngayong buwan na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at maaaring mag-landfall sa Martes o Miyerkoles.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang huling mamataan ang mata ng bagyong ‘Jenny’ sa layong 670 kilometro ng Silangan ng Virac, Catanduanes. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25kph at may lakas ng hangin na hanggang 45 kph at pagbugsong hanggang 55kph.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan hanggang sa Miyerkules ng hapon sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, northern Aurora, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, at La Union.
Mahina at katamtamang lakas ng pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, at iba pang bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Warning Signal # 1 sa Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Aurora, Nueva Ecija, eastern portion ng Pangasinan, northern portion ng Quezon kasama ang Polillo Island, at Catanduanes.
Nagbabala rin ang Pagasa sa maalong karatagan dahil sa masungit na panahon kaya’t kinakailangan ang pag-iingat sa laot at kung maaari ay maiwasan ang pagbiyahe lalo na ang mga maliliit na sasakyang pandagat.
130