BAKWET SA QUEZON UMABOT NA SA 8K KATAO

UMABOT na sa mahigit 8,000 katao mula sa 2,670 na pamilya ang inilikas sa evacuation centers sa Lalawigan ng Quezon.

Ito ay matapos na magsagawa ng preemptive evacuation sa 20 bayan sa nasabing lalawigan.

Pinakamarami sa mga inilikas ay mula sa bayan ng Mulanay na may 3,034 evacuees, at mula sa bayan ng Panukulan na may 1,521 lumikas.

May mga inilikas rin sa mga bayan ng Tayabas City, 40; Agdangan,13; Atimonan, 942; Burdeos, 176; Calauag, 173; General luna, 139; Guinayangan, 120; Gumaca, 490; Jomalig, 80; Lopez, 8;  Patnanungan, 90; Perez, 369; Pitogo, 857; Plaridel, 183; Polillo, 59; Real, 275; San Francisco, 76; San Narciso, 84, na umabot sa kabuuang 8,729 katao sa 163 evacuation centers.

Nasa 369  na katao  pa rin ang stranded sa iba’t ibang port kung saan sa Lucena City port ay may bilang na 224; sa Real Port ay 128, at Atimonan port ay 17.

Halos mula Biyernes ng gabi hanggang nitong Sabado ay hinagupit ng bagyo ang lalawigan.

Samantala, nakararanas din ng pagbaha mula pa noong Biyernes sa ilang bayan partikular sa bayan ng Lopez sa mga barangay ng Magsaysay, Rizal, at Gomez.

May mga nagsitumbahan ding mga puno sa kahabaan ng Maharlika Highway kaya’t pansamantalang nasaraduhan ang kalsada nitong Sabado ng umaga.

Patuloy naman ang ginagawang monitoring ng Quezon PDRRMO sa mga ilog at sa mga baybaying dagat.

Nakahanda na  ang pamahalaang lokal na magbigay ng relief goods sa mga apektado ng bagyo. (NILOU DEL CARMEN)

5

Related posts

Leave a Comment