BARANGAY CHAIRMAN, PATAY SA GUN BUY-BUST

LANAO DEL SUR – Patay ang isang barangay chairman sa ikinasang firearms buy-bust operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group – Regional Field Unit, Bangsamoro Autonomous Region (CIDG RFU BAR), sa Barangay Upper Itil, sa bayan ng Balabagan sa lalawigan noong Sabado ng hapon.

Kinilala ang napatay na suspek na si Billy Jack Ogca, barangay chairman ng Poblacion, Balabagan.

Ayon sa report, isinagawa ng mga tauhan ng CIDG RFU BAR ang operasyon sa harap ng isang gasolinahan dakong ala-1:00 ng hapon, Subalit nauwi ito sa engkwentro matapos makatunog ang grupo ng kapitan na mga operatiba ang kanilang katransaksyon.

Tinamaan ng bala sa palitan ng putok ang kapitan na isinugod sa pagamutan subalit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Nakatakas naman limang kasama nito kabilang ang dalawang naka-full military uniform, isang naka-Type B military uniform, ang driver ng kapitan at isa pang sibilyan.

Ayon sa CIDG, tumakbo ang apat patungo sa madamong bahagi malapit sa gasoline station, maliban sa naka-Type-B military uniform na pumasok sa isang military detachment sa lugar.

Pero sa pagsisiyasat ng CIDG, sinabi ng duty personnel ng nasabing detachment, na wala itong namataang indibidwal na pumasok sa kanilang detachment.

Nasamsam ng CIDG RFU BAR sa operasyon ang mga sumusunod: isang puting Toyota Pick-up na may plate number ABQ 9453;

tatlong caliber 5.56mm M-16 rifles; isang caliber 7.62mm; isang caliber 45 pistol, at iba’t ibang mga bala.

Dagdag ng CIDG RFU BAR, nakuha mula sa posesyon ng barangay kapitan ang isang unit caliber 45 pistol Armscor magazine at mga bala.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung lehitimong mga sundalo ang apat na nakatakas na mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

90

Related posts

Leave a Comment