BFP NAKASABAY SA MAKABAGONG PANAHON DAHIL SA MODERNIZATION

INIHAYAG ng Bureau of Fire Protection (BFP) na dahil sa modernization program ng gobyerno nagkaroon ito ng lakas at kapabilidad na makasabay upang makaagapay sa makabagong panahon.

Sinabi ni BFP Chief Director Louie S. Puracan, nadagdagan ang fire truck, ambulansya at equipment ng ahensya dahil sa modernisasyon.

Sa 2024 aniya ay patuloy na maglalaan ng budget sa BFP katunayan, ang Kongreso ay maglalaan ng karagdagang P3 billion para sa modernization nito.

Magugunitang tumanggap ang BFP ng isang unmodified opinion mula sa Commission on Audit (COA) sa kauna-unahang pagkakataon sa fiscal year ng 2022 at nakakuha ito ng perfect score na 20.

Batay sa report ng COA, tumanggap ang BFP ng 93 percent score na may equivalent rating ng excellent score mula sa kauna-unahang pagkakataon ng Financial Performance Rating report.

Nauna rito, pinaboran ng COA ang aksyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) na dapat magkaroon ng modernization program ang BFP upang makaagapay sa makabagong panahon.

Ang BFP ay namahagi ng 54 bagong trak ng bumbero sa mga lokal na istasyon ng BFP.

Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos, ang fire trucks ay may 1,000-gallon na kapasidad at ipinamahagi sa mga istasyon ng bumbero na walang sapat na kakayahan sa paglaban sa sunog.

“Ang pamamahagi ng mga moderno at makabagong fire truck na ito ay isang patunay na inuuna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ng DILG ang kaligtasan ng ating mga komunidad at mamamayan,” aniya.

Sa 54 na firetruck, ang Bicol Region ang nakakuha ng pinakamarami (walo), sinundan ng Caraga na may pito; at Northern Mindanao na may lima.

Samantala, tiniyak din ng hepe ng DILG na bukod sa pagkuha ng mga bagong trak ng bumbero, ambulansya, at kagamitan, mapapaunlad din ang kakayahan at kadalubhasaan ng mga bumbero.

(PAOLO SANTOS)

247

Related posts

Leave a Comment