BUNTIS, 5 PA NASAGIP NG PHILIPPINE NAVY

NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Navy ang isang buntis, bata at apat na iba pa mula sa papalubog nilang bangka sa karagatan ng Ulugan Bay, Brgy. Bahile, Puerto Princesa City sa Palawan.
Sa report na ipinarating kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci ng Naval Forces West (NFW), sinaklolohan ng mga tauhan ng  BRP Andres Bonifacio (PS17) ang lumulubog na motorized banca ng mga biktima nitong Easter Sunday.

May sakay na anim na pasahero ang M/B Dexter na nagmula sa Macarascas at papunta sana ng Rita Island para dumalo sa isang summer activity nang mamataan ng mga tripulante ng PS17 na nagsasagawa ng ship-to-shore activities, bandang alas-11:00 ng umaga.

Sinasabing papalubog na ang banca matapos masiraan ng makina at simulang pasukin ng tubig sanhi ng masamang kondisyon ng dagat.

Agad nagpadala ng team ang PS17 na pinamumunuan ni Commander Paul Michael Hechanova. Matapos sagipin ang mga sakay ng banca ay isinailalim ang mga ito sa medical examination at pinakain saka inihatid sa kanilang pupuntahan. Hinatak naman ang kanilang banka sa dalampasigan.

Samantala, 13 turista ang nasagip naman ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos lumubog ang sinasakyang motor banca habang nag-island hopping sa Bonbon Beach sa Romblon.
Kabilang sa mga sinagip ng PCG personnel ang operator ng motorbanca.

Hinampas umano ng malalaking alon ang bangka kaya lumubog. (JESSE KABEL RUIZ)

89

Related posts

Leave a Comment