CHINESE COMMUNITY NAALARMA SA KIDNAPPING CASES

LUBHA na umanong naalarma maging ang mga negosyanteng Filipino-Chinese sa napababalitang kidnapping ng Chinese nationals.

Isang lider na iginagalang sa Chinese community, ang umaapela sa liderato ng Philippine National Police hinggil sa umano’y nakakaalarmang pagdami ng mga kaso ng kidnapping partikular sa ilang Chinese nationals.

Nabatid na karamihan sa napababalitang mga kaso ng pagdukot ay bumibiktima ng Chinese POGO workers sa Pilipinas.

Samantala, hindi pa rin matukoy sa ngayon ng PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang motibo sa nangyaring pagdukot sa 6 na indibidwal sa Ayala Alabang sa Muntinlupa City noong Oktubre 30.

Ayon kay PNP AKG Director, PBGen. Cosme Abrenica, hindi ito pangkaraniwang kaso ng pagdukot dahil wala namang hinihinging ransom at wala ring pakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima.

Una nang sinabi ng PNP, 4 sa 6 na mga biktima ang natagpuang patay sa Rizal at Quezon.

Aniya, dalawa sa mga ito ay natagpuang namamaga at hindi na makilala sa Marilaque sa Tanay, Rizal noong Undas, Nobyembre 1.

Habang ang bangkay ng dalawang iba pa ay natagpuan naman sa Infanta, Quezon na kalauna’y natukoy na lalaking magkapatid matapos magpositibo sa DNA testing mula sa kanilang mga magulang buhat pa sa China.

Samantala, umaasa ang mga awtoridad na buhay pa ang dinukot na mag-ina.

Ayon sa PNP-AKG, nawawala pa rin ang isang 11-taong gulang na batang lalaki at ang nanay nito habang una nang pinalaya ang 4 na Pilipinang sinasabing kasambahay ng mga biktima.

(JESSE KABEL RUIZ)

 

188

Related posts

Leave a Comment