CHINESE TIKLO SA KIDNAPPING, ILLEGAL DETENTION

NABINGWIT ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang Chinese national matapos umanong dukutin at sapilitang ikulong ang kanyang kababayan dahil sa pagkakautang sa casino, sa panulukan ng Adriatico at General Malvar Streets, Ermita, Manila.

Sa isinagawang press conference nitong Biyernes, kinilala ni MPD- Director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay ang biktimang si Luo Jing alyas “Jun Cheng”, 31, computer technician, residente ng Tower 2 ,Unit 7011, Coast Residence, Pasay City.

Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Rommel Anicete, hepe ng Criminal Investigation Section, na pinangasiwaan ni Police Colonel Orlando Mirando Jr., ng Directorate for Investigation and Detective Management Division (DIDMD), si Cheng ay nasagip makaraang humingi ng saklolo sa pulisya ang mga kaibigan nito kaugnay sa pagdukot sa kanya ng naarestong suspek na si Song Peng Ren alyas “Luo Jie”, 35, isang translator/manager at casino financier.

Nabatid sa imbestigasyon, sapilitan umanong isinama ng grupo ng Chinese national si Cheng habang naglalaro ng casino games sa Xi Lai Deng Casino sa Adriatico Square sa Gen. Malvar St., panulukan ng Adriatico St., Ermita, Manila.

Ayon sa mga kaibigang kapwa Tsino, pinautang umano ni Luo Jie si Cheng ng P200,000 ngunit aabot sa halagang P500,000 ang magiging kabayaran kasama na ang interes.

Gayunman, sinabi ni Cheng na kaya lamang niyang bayaran ang P200,000 kaya sinabihan siya ng suspek na magtrabaho na lamang sa kanya hanggang sa mabayaran nang buo ang kabuuang halaga ng kanyang pagkakautang.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa komosyon hanggang sa pinalabas sila sa casino.

Matapos ang pangyayari, nawalan na ng komunikasyon si Cheng sa kanyang mga kaibigan kaya dumulog sila sa MPD-General Assignment Investigation Section upang magsagawa ng imbestigasyon at follow-up operation na nagresulta ng pagkakadakip kay Luo Jie.

Patuloy pa ang follow-up operation ng pulisya para sa iba pang mga sangkot kasama ang dalawang Filipino at dalawa pang Chinese national. (RENE CRISOSTOMO)

45

Related posts

Leave a Comment