CLAIMANT ARESTADO SA IMPORTED DROGA

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., muling ipinamalas ng Bureau of Customs (BOC) ang agresibong tugon laban sa malawakang pagpupuslit ng droga sa bansa.
Sa pahayag ng BOC, timbog sa pinagsanib na operasyon ng BOC-Port of NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang claimant ng drogang ikinubli sa kargamentong idineklara bilang ‘universal engine’, batay sa kalakip na dokumento.

Kinilala ni BOC-NAIA Dis­trict Collector Carmelita Talusan ang claimant sa pa­ngalang ‘Ashley Alonzo’ batay sa ID na nakuha sa suspek.

Sa imbestigasyon ng kawanihan, nabisto ang drogang inangkat pa sa New Delhi, India matapos magduda ang mga alistong tauhan ng X-Ray Inspection Project sa nasipat na imahe makaraang isalang sa X-ray scanner ang bagaheng nakabarega sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Lungsod ng Pasay.

Dito na nagpasya ang mga operatiba na buksan at suriin sa harap ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng kawanihan at mga katuwang na ahensya ng gobyerno ang kaduda-dudang kargamento.

Nang buksan ang kargamento, tumambad ang drogang tumimbang ng mahigit sa kalahating kilo – hud­yat para magkasa ng operasyon sa nakatalang consignee na agad namang nadakip ng pinagsanib na e­lemento. Pagtataya ng PDEA, papalo sa P3.5-milyon ang ha­laga ng nakumpiskang droga. Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drug Act) at RA 10863 (Customs Modernization And Tariff Act) ang suspek.

“I commend the men and women of the BOC-NAIA for securing our borders through their relentless and intensified campaign against drug smuggling,” pahayag naman ni Customs Commissioner Bien­venido Rubio.      (JO CALIM)

 

102

Related posts

Leave a Comment