Concepcion suportado ang planong paglikha ng trabaho ni VP Robredo para sa MSMEs

Dahil may pangangailangang palakasin ang paglikha ng trabaho para sa mas maaraming Pilipino, nagpahayag si Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion ng buong suporta sa planong paglikha ng hanapbuhay ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Sinabi ni Concepcion na ang job generation program ni Robredo, na tinawag na “Hanapbuhay Para sa Lahat”, ay magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino at makatutulong na buhayin ang sektor ng MSME sa bansa na lubhang naapektuhan ng pandemya.

“The Vice President has presented a clear-cut and feasible plan on how to revive the MSME sector and how to generate employment opportunities for Filipinos through her job generation platform,” wika ni Concepcion, na idinagdag pa na “it’s like hitting two birds with one stone.”

Sa ilalim ng kanyang “Hanapbuhay Para sa Lahat” program, sinabi ni Robredo na ipaprayoridad ang MSMEs pagdating sa pagbili ng supply ng gobyerno para sa iba’t ibang programa at proyekto nito.

“Bubuksan natin ang mga pinto para makalahok sila sa procurement process ng gobyerno. Imamandato natin ang pag-prioritize ng MSMEs at mga magsasaka, na kailangan bilhin ng mga government offices kabilang na ng mga para sa food programs,” wika ni Robredo.

Idinagdag pa ni Robredo na layon ng programa na maiugnay ang MSMEs sa mas marami at malaking merkado upang madagdagan ang kanilang kita, gaya ng ginagawa ng ilang organisasyon gaya ng Go Negosyo sa loob ng ilang taon.

“Gaya na ng mga nagawa natin sa Angat Buhay ng Office of the Vice President at ginagawa ng ibang organisasyon tulad ng Go Negosyo, iuugnay natin ang mga maliliit na negosyo sa mas malalawak na merkado, partikular sa larangan ng agrikultura at turismo,” wika ng Bise Presidente.

“This move would help MSMEs grow and expand their operation. Expansion means additional manpower, so it would lead to more employment opportunities for many Filipinos who have lost their livelihood during the pandemic,” wika naman ni Concepcion.

Sa kanyang pagdalo sa “Kandidatalks” series ng Go Negosyo, kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na ilahad ang kanilang mga plano at programa para sa MSMEs ng bansa, binigyang diin ni Robredo ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga maliliit na negosyo sa ekonomiya.

Sa mahigit 950,000 negosyo sa bansa, sinabi ni Robredo na 99.5 porsiyento nito ay MSMEs at 88.77 porsiyento rito ay maliliit na negosyo. “Small enterprises play a big role in our economy,” wika pa ni Robredo, na sinabing nakakalikha ng 5.3 milyong trabaho ang mga maliliit na negosyo.

Ngunit nalulungkot si Robredo dahil madalas, walang kapital at iba pang pagkukunan ang mga MSME para sila’y makatayo tuwing panahon ng krisis, gaya ng COVID-19 pandemic, kung saan napilitan silang pansamantalang ihinto ang operasyon o tuluyan nang magsara.

Bilang bahagi ng kanyang suporta sa MSMEs, pakay ni Robredo na maglaan ng Php100 bilyon na stimulus package para sa MSMEs bilang bahagi ng COVID recovery plan ng bansa upang hindi na magtanggal ng mga empleyado ang mga maliliit na negosyo.  Plano rin niyang palawakin ang access sa pautang sa pamamagitan ng direct lending sa mga bangkong pag-aari ng gobyerno at pagbibigay ng insentibo sa buwis sa social enterprises.

4

Related posts

Leave a Comment