CONGRESSIONAL OVERSIGHT COMMITTEE SA PAGBUSISI SA CONFI AT INTEL FUND PINABUBUO

ISINUSULONG ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagbuo ng senate oversight committee na bubusisi kung paano ginagamit ng ilang tanggapan ng gobyerno ang inilaan sa kanilang confidential at intelligence fund.

Inihain ni Zubiri ang resolution sa gitna ng patuloy na plenary deliberation ng Senado sa proposed 2023 national budget kung saan isa sa pinag-uusapan at pinuna ay ang malalaking confidential at intelligence funds ng ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Office of the Vice President, Department of Education at Office of the Solicitor General.

Ayon kay Zubiri, matagal nang practice ng Senado ang pagbuo ng Select Oversight Committee para sa confidential and intelligence funds bagay na ipagpapatuloy nila ngayong 19th congress.
Iginiit pa ng senador na trabaho nila bilang independent at demokratikong Senado na bantayan ang paggamit ng pambansang budget, lalo na ang mga sensitibong pondo tulad ng confidential at intelligence funds na hindi dumadaan sa karaniwang  auditing rules and procedures ng Commission on Audit.

Kaya ang pagbuo ng Senate oversight committee ang paraan anya para maisailalim sa check and balance ang naturang mga pondo.

Sa 2023 general appropriations bill, may mahigit Php9.2 billion na confidential at intelligence funds kung saan Php 4.3B ang confidential at Php4.9 billion ang intelligence.

Ayon kay Zubiri, mahalaga ang naturang mga pondo para maipatupad ng ilang tanggapan ng gobyerno ang mga kinakailangang programa, operasyon at aktibidad para sa kaligtasan at seguridad ng publiko.
Pero kailangan anyang maging mapagbantay ng Kongreso para malaman paano ginugugol ito.
Ang panukalang oversight committee ay pamumunuan ng Senate President at magkakaroon ng tatlong miyembro mula sa mayorya, isang taga-minorya. (DANG SAMSON-GARCIA)

20

Related posts

Leave a Comment