CONVENIENCE STORE HINOLDAP NG 3 RIDERS

CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang tatlong suspek na lulan ng dalawang motorsiklo makaraang holdapin ang isang convenience store sa Dasmariñas City noong Sabado ng madaling araw.

Inilarawan ang mga suspek na sakay isang itim at pulang motorsiklo na humoldap sa isang convenience store sa Aguinaldo Highway, Barangay Zone 4, Dasmariñas City.

Ayon sa store employees na sina alyas “Rhyan” at “Joan”, pumasok sa tindahan ang isa sa mga suspek na nagkunwaring customer bandang alas-3:27 ng madaling araw.

Ngunit nang pumasok ang dalawa pa, naglabas ang mga ito ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, nagdeklara ng holdap at puwersahang kinuha ang cash sa cashier counter.

Matapos makuha ang pakay, sumakay ang mga suspek sa dalawang motorsiklo na nakaparada sa labas ng tindahan at pinaharurot sa direksiyon ng Brgy. Salitran, Dasmariñas City, Cavite.

Inaalam pa kung magkano ang halaga ng cash na natangay ng mga suspek habang nagsasagawa ang mga awtoridad ng backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV) para sa pagkakakilanlan ng mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

91

Related posts

Leave a Comment