DROGA SA DAGAT IDINADAAN – PNP

0

PANIWALA ng Philippine National Police (PNP), sa karagatan idinadaan papasok ng bansa ang sandamakmak na drogang nasabat ng kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong mga nakaraang linggo.

Kaya naman agad na inatasan ni PNP director general Guillermo Eleazar ang PNP Maritime Group na paigtingin ang ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbabantay ng karagatan partikular na ang mga seaports bilang bahagi na rin ng pinahigpit na kampanya kontra iligal na droga.

Giit ni Eleazar sa kanyang pagbisita sa Batangas PNP Maritime Group at Philippine Ports Authority sa Batangas Port, modus umano ng mga local at international drug syndicates itapon ang kontrabando sa karagatan, kung saan naman aniya ito dinadampot ng kanilang mga kasapakat.

“In our relentless campaign against illegal drugs as ordered by President Rodrigo Roa Duterte and SILG Eduardo Año, I have already directed our Maritime Group to strengthen the coordination and interoperability with the Philippine Coast Guard to shield our territorial waters and coastlines from smuggling of illegal drugs into the country,” ani Eleazar.

“Mahigpit na ang pagbabantay sa ating mga airports at seaports dahil sa mas pinalakas na ugnayan sa ating Bureau of Customs, PDEA at ibang mga ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng aming whole-of-government approach sa iligal na droga kaya pinagtutuunan naman namin ng pansin ang ating mga territorial waters,” dagdag pa niya.

Paliwanag pa ng heneral, malaking bentahe ang koordinasyon sa iba’t ibang law enforcement agencies tulad ng PDEA, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng Bureau of Customs (BOC).

Katunayan pa aniya, ang ugnayan ng mga nasabing sangay tagapagpatupad ang susi ng matagumpay na operasyon noong isang linggo sa Zambales, Bataan at Cavite kung saan humigit kumulang 809 kilo ng shabu ang nakumpiska, bukod pa sa pagdakip o pagkamatay ng 11 big-time drug traffickers.

Sinabi pa ji Eleazar na inaasahan nito ang patuloy na pagbabantay ng ating mga chiefs of police at ang pagpapalakas ng ugnayan ng PNP sa mga coastal communities bilang pakikiisa sa adhikain ng Pangulong tuldukan ang banta ng iligal na droga sa bansa.

Dagdag pa nito, kailangan din palakasin ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga komunidad para sa isang matibay na bigkis kontra droga.

“Mahalaga ang mga impormasyon na ipinapaabot ng ating mga kababayan sa mga komunidad dahil sila ang nakakaalam ng mga kaganapan sa kanilang lugar at ito ang ating magiging basehan upang maayos at agarang maaksyunan ang anumang banta sa bawat kalye at sa bawat pamayanan,” wika ng Chief PNP. (TJ DELOS REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment