DUWELO SA QC: TSUPER PATAY SA KAPWA TSUPER

TALIWAS sa karaniwang tagpo sa pelikula, maagap na nadakip ng pulisya ang isang tsuper na huli sa akto ng pananaksak sa kapwa drayber sa Barangay San Isidro, Quezon City.

Bagamat naisugod pa sa pagamutan, agad din binawian ng buhay ang biktimang si Michael Adriano Pamandanan, 36-anyos na tsuper mula sa lugar ng pinangyarihan.

Agad namang nadakip ang suspek na si Julius Labriaga, 28, binata, tricycle driver, tubong San Jose Del Monte, Bulacan at nakatira sa Sampaloc, Maynila.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:40 ng gabi (November 16), nang maganap ang insidente sa panulukan ng Bustamante St., at Luzon Avenue, Brgy. San Isidro, ng naturang lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Corporal Lorenz Mappala ng CIDU, nagsasagawa umano ang mga operatiba ng Galas Police Station (PS 11) na sina PCMS Carlito Tan, Pat Joselito Quizzagan, Pat Louie Rens Crisostomo at Pat Randy Balanay ng anti-criminality patrol sa lugar, nang mamataan ang komosyon sa pagitan ng biktima at suspek.

Nang kanilang beripikahin, tumambad ang nakahandusay at duguang biktima habang nakatayo sa harapan niya ang suspek na may hawak na patalim.

Nang makitang papalapit na ang mga pulis,  mabilis na kumaripas ng takbo ang suspek na agad din namang nadakip. (LILY REYES)

22

Related posts

Leave a Comment