EX-BOC OFFICIAL ABSWELTO

MATAPOS ang mahigit isang dekada, ganap nang inabswelto ng Sandiganbayan ang isang dating opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na una nang hinatulan kaugnay ng mga “inaccuracies” sa isinumiteng  2010 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Sa 19-pahinang desisyon, binaliktad ng Sandiganbayan ang pasyang inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) noong Enero 2022 laban kay dating BOC Operations Officer Delia Morala.

Paliwanag ng Sandiganbayan, bagama’t may mga pagkakamali sa mga ipinasok na datos sa SALN ni Morala, hindi naman anila angkop na ituring na “falsification” ang ginawa ng dating BOC official. Wala rin umanong nakikitang pagsasamantala gamit ang pwesto sa gobyerno sa panig ni Morala.

Paglilinaw ng Sandiganbayan, mali ang kasong isinampa laban kay Morala.

“Herein accused-appellant Morala may have committed a mistake, or that she was truly dishonest, but such mistake or dishonesty was not uniquely and particularly afforded to her by her office or the position she occupied. She may be held to account for any wrongdoing that she might have committed, but in this instance, insofar as the liability under Art. 171 (4) for falsification by a public officer is concerned, the constitutional presumption of innocence in her favor shall be upheld,” saad sa isang bahagi ng inilabas na kapasyahan ng Sandiganbayan.

Nag-ugat ang kaso matapos mawaglit sa deklarasyon ni Morala na ang kanyang dating asawa ay incorporator at stockholder ng isang real estate company.

Sa ibinasurang sentensya ng Manila RTC, hinatulan si Morala ng dalawa hanggang walong taong pagkakakulong at multang P5,000.
(JOSE OPERARIO)

34

Related posts

Leave a Comment