EX-VM SUAREZ DAWIT SA P110-M QUEZELCO DEAL

NANANATILING tikom ang bibig ni dating Unisan vice mayor Danilo Suarez Jr sa pagkakasangkot sa umano’y ilegal na kontratang ipinasok noong siya’y naninilbihan bilang direktor at presidente ng Quezon 1 Electric Cooperative, Inc. (QUEZELCO I) mula 2013 hanggang 2016.

Sa pagsisiyasat ng committee on investigation and appeals (CIA), todo iwas si Suarez Jr. sa pagsagot sa mga akusasyon hinggil sa pagbili ng mga kuntador na nagkakahalagang P110,000,000 na hindi umano dumaan sa tamang proseso ng bidding na mariing ipinatutupad ng National Electrification Authority (NEA).

Batay sa pagsusuri ng CIA, naglabas si Suarez ng mga resolusyon salungat sa Republic Act no. 9184 o mas kilala bilang Revised Procurement Act.

Ayon sa pagsasaliksik, dalawang beses naghain ng resolusyon si Suarez Jr. na nag-uutos para palawigin ang kontrata ng kooperatiba sa Enex Electric para sa pagbili ng ‘intech’ kwh meters, isang uri ng kuntador, na hindi dumadaan sa kinakailangang public bidding. Batay sa report, bumili ang QUEZELCO I ng 3,600 piraso ng intech kwh meters mula Hulyo hanggang Disyembre ng 2015 na nagkakahalagang P7.695 milyon at nasundan pa ito noong 2016 kung saan muli itong bumili ng dagdag 3,600 piraso sa parehong presyo.

Sa kabuuan, aabot sa P110.9 milyon ang ginastos ng QUEZELCO I para sa pagbili ng intech kwh at iba pang kagamitan sa Enex Electric mula Mayo ng 2013 hanggang Disyembre 2016. Kasabay nito, napag-alamang kulang ang isinagawang pag-aaral sa kalidad at presyo ng mga nabiling kuntador.

Hayagan din umanong sinuway ng mga director ang utos ng NEA na magsagawa ng bidding para rito.

Malaking palaisipan din ang katahimikan ng mga direktor sa hayagang pagsuway ng Enex sa napagkasunduang kontrata dahil minadali ang pagbayad sa kumpanya na inabot ng sampung (10) araw lamang sa halip na anim napung (60) araw, na siyang nakapaloob sa kontrata.

Naging malamya rin ang aksyon ng QUEZELCO I sa pananagutan ng Enex sa pagkaantala ng delivery ng halos isang buwan—isang pagsuway sa itinakdang kautusan ng Revised Procurement Act.

Sa kabila nito, nananatiling hugas-kamay at todo iwas ang dating bise alkalde sa pananagutan.

382

Related posts

Leave a Comment