GAMOT DAPAT KASAMA SA RELIEF PACKS KAPAG EMERGENCY – PBBM

PAHAYAG ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa situation briefing sa Camp Siongco sa Maguindanao del Norte nitong Martes, Nobyembre 1, 2022.
Ang lalawigan ay isa sa pinaka-tinamaan ng Bagyong Paeng nitong weekend.

Winika pa ng Pangulo, dapat na makapagbigay ang gobyerno ng over-the-counter (OTC) drugs sa mga taong apektado ng kalamidad lalo pa’t ito ang isa sa mga hinahanap nila.

Partikular na tinukoy ng Pangulo ang OTC drugs gaya ng paracetamol at anti-diarrheal medicines dahil sa panganib ng infectious diseases.

“That’s one aspect of it na hindi masyadong naaatensyunan. Paano tayo makapag-provide ng gamot?” anito.

“So, let’s put together an SOP for that para may kasama na tayong gamot,” aniya pa rin.

Binigyang-diin pa ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagbibigay rin ng “maintenance medicines” sa panahon ng kalamidad.

“Simple lang naman. Kasi nakabilad sila … basa sila nang matagal, nilalagnat yung mga bata,” ang wika ng Pangulo.

“Yung matatanda, yung mga may maintenance, delikado talaga sila pagka mga one week na silang hindi naggagamot,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)

16

Related posts

Leave a Comment