Hamon sa Kamara MARCOS HUBARAN DIN NG P2.2-B SECRET FUND

HINAMON ng mga militanteng mambabatas ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na burahin din sa 2024 national budget ang P2.25 billion confidential funds ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Bagama’t ikinatuwa ng Makabayan bloc solons ang pagbura sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte at iba pang ahensya ng gobyerno na walang kinalaman sa national security, hindi kuntento ang mga ito na hindi ginalaw ng Kamara ang kahalintulad na pondo ni Marcos.

“Removing several agencies’ confidential funds welcome but elephant in the room unaddressed: President’s secret, intel funds,” ani Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Sa desisyon ng small committee na nagsagawa ng final amendment sa 2024 national budget na nagkakahalaga ng P5.678 trillion, P1.23 billion confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Information and Communications Technology (DICT), Agriculture (DA) at Foreign Affairs (DFA) ang inilipat sa mga ahensyang may kinalaman sa national security lalo na sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, dapat magkusa si Marcos na isuko ang kanyang confidential funds lalo na’t laganap ngayon ang kagutuman sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“We call on President Marcos Jr. to give up his P4.56 billion confidential and intelligence funds, which is almost half of the total CIF (48.9%). These funds should be redirected to basic social services especially amid the high prices of food and meager wages,” hamon ni Brosas.

Sinabi naman ni dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na redundant ang CIF na ito ni Marcos kaya nararapat lamang na atasan nito ang Kongreso na burahin din ang pondong ito at ilipat sa National Food Authority (NFA) para pambili ng palay direkta sa mga magsasaka.

Inayunan naman ito ni ACT party-list Rep. France Castro lalo pa’t ang naturang pondo ay itinuturing ng kanyang grupo na bagong mukha ng pork barrel at ang masaklap aniya sa sambayanang Pilipino ay hindi nila alam kung papaano ginagamit ng Pangulo ang pondong ito.

Gayunpaman, ikinabahala ng mambabatas ang naging desisyon ng small committee sa Kamara dahil inilipat anila sa human rights violators ang confidential funds na inalis sa mga nabanggit na ahensya na posibleng gamitin aniya sa mga kritiko ng administrasyon imbes sa pagbabantay sa seguridad sa West Philippine Sea (WPS).

“Dapat sa rice procurement, ospital o SUCs na lang binigay ang dagdag kesa sa NICA at NSC, direkta pa itong pinakinabangan ng mamamayan at di magagamit para supilin ang kanilang karapatan,” ani Castro.

Maging sa Senado, nanindigan si Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat bawasan o tanggalan na rin ng confidential fund ang Office of the President.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag kasunod ng kumpirmasyon ng Office of the Senate Secretary na walang confidential fund ang Senado ngayong taon at maging sa susunod na taon.

Iginiit ni Pimentel na ang Tanggapan ng Pangulo ay isang civilian agency na hindi dapat masangkot sa intelligence gathering lalo pa’t tambak ang trabaho nito sa pamamahala sa bayan.

Binigyang diin pa ng senador na kung talagang marami nang pinagkakaabalahan ang tanggapan sa kasalukuyang mandato nito, wala nang oras ang mga tauhan nito sa surveillance work at intel gathering.

Ang mga ganitong trabaho anya ay dapat nang ipinauubaya sa field of intelligence maliban na lamang kung ang mga empleyado sa Tanggapan ng Pangulo ay masyado pang maraming oras para gawin ang mga bagay na wala sa kanilang mandato.

Samantala, kumpiyansa si Senate Majority Leader Joel Villanueva na ikukonsidera ng mga senador ang naging desisyon ng Kamara na irealign ang confidential fund ng ilang civilian agencies.
Sinabi ni Villanueva na nasa poder na nila ngayon ang pagsusuri sa mga naturang item sa ilalim ng 2024 proposed budget.

Tiniyak naman nito na bubusisiin nilang mabuti ang panukalang budget upang maging proud ang lahat sa national budget na ipapasa bago magtapos ang taon.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

188

Related posts

Leave a Comment