HI-TECH CONTACT TRACING GAGAMITIN SA BALIWAG, BULACAN

BULACAN – Isinusulong ng pamahalaang bayan ng Baliwag ang high-tech na contact tracing platform kung saan gagamit ng QR code na siyang ipakikita sa bawat establisimyento na pupuntahan, bilang tugon sa kampanya laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, ang IAMSAFE ay isang uri ng contact tracing platform na ginawa ng Municipal Information and Communications Technology Office (MICTO).

Aniya, ito ay naglalayong mas mapabilis ang data gathering at monitoring ng lokal na pamahalaan, sa kalagayang pangkalusugan ng mga Baliwagenyo at mga bisita galing ibang bayan.

Binigyang diin din ng alkalde, ang IAMSAFE ay magsisilbing bagong logbook ng bawat establisiyemento sa Baliwag, bilang bahagi ng ipinatutupad na safety protocol ng pamahalaan, at para na rin sa seguridad at kapakanan ng bawat mamamayan.

Paliwanag din ni Brainard Ardoña, pinuno ng MICTO, ang IAMSAFE ay pwedeng gamitin ng lahat. Kailangan lamang pumunta sa website na iamsafe.baliwag.gov.ph upang gumawa ng account at i-screenshot ang ibibigay na QR o bar code, na siyang ipakikita sa bawat lugar na pupuntahan sa bayan ng Baliwag.

Gayunpaman, patuloy pa rin na pinapaalalahanan ng Baliwag COVID-19 Task Force ang mga Baliwagenyo na sundin ang itinalagang minimum health standards ng pamahalaan, katulad ng pagsusuot ng face mask tuwing lumalabas, paghuhugas ng kamay at ang pagpapanatili ng social distancing.

Hiling din ni Mayor Estrella ang kooperasyon at pakikiisa ng bawat mamamayan, lalo na sa panahon ng pandemya, upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bayan ng Baliwag. (ELOISA SILVERIO)

90

Related posts

Leave a Comment