NASAGIP ng mga tauhan ng Immigration Protection and Enforcement Section (I-PROBES) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking, ayon sa report na nakarating sa opisina ng ahensiyang ito.
Sa initial interview kay “Nina”, hindi tunay na pangalan, magbabakasyon siya ng tatlo hanggang apat na araw sa Hong Kong at Macau.
Ngunit pagdating sa secondary inspection, inamin nito na pagkatapos niya sa dalawang bansa ay tutungo siya sa United Arab Emirates (UAE), at magtatrabaho bilang household service worker (HSW).
Pinangakuan umano siya ng kanyang recruiter ng P30,000 na sweldo kada buwan bilang HSW sa nasabing bansa.
Ngunit habang ‘on going’ ang interview, deretsahang inamin nito na nag-aalangan siya at hindi na tutuloy sa pag-alis sapagkat kinakabahan siya, at pakiwari niya ay hindi maganda ang mangyayari sa kanya pagdating sa UAE.
Agad naman ito inindorso ng Immigration sa mga tauhan ng Inter-Agency Council Against Trafficking upang sumailalim sa imbestigasyon nang sa gayon ay matukoy ang mga nasa likod ng pangyayari.
(FROILAN MORALLOS)
231