(Ni Sonny T. Mallari)
MAYO 15. Kapistahan ni San Isidro de Labrador. Ngunit sa halip na lumahok sa popular na “Pahiyas” festival sa bayan ng Lucban, Quezon sa paanan ng Mount Banahaw, iba ang ginawang aktibidad ng mga kasapi ng Save Bundok Banahaw Network. Naglunsad ang mga kabataang kasapi ng organisasyon ng martsa at iba pang gawain na may layuning imulat ang publiko sa patuloy na panggagahasa sa kabundukan – ang walang humpay na “illegal quarry” sa paanan ng Banahaw sa bayan ng Sariaya.
Sa paliwanag ni Ivy Laine Antenor, estudyante sa Southern Luzon State University – Lucban campus, “ang quarrying ay isang proseso ng pagkuha ng bato, buhangin, mga graba at iba pang materyales na ginagamit sa paggawa ng mga kalsada at estruktura sa pamamagitan ng pagpapasabog, paghuhukay o pagbabarena”.
Noong 2009, sa ilalim ng Republic Act No. 9847 ay hinirang na isang “protected landscape” ang dalawang bundok – Mount Banahaw at ang katabing Mount San Cristobal na nasasakop ng Sariaya, Candelaria, Dolores, Lucban at Tayabas City sa lalawigan ng Quezon at mga bayan ng Rizal, Nagcarlan, Liliw, Majayjay at San Pablo City sa Laguna.
“Protected Landscape”
Bilang isang “protected landscape”, ito ay pinag-uukulan ng ibayong proteksyon ng pamahalaan upang mapangalagaan ang likas nitong kaanyuan.
Subalit sa kabila ng RA 9847, patuloy na nagaganap ang paglapastangan sa kabundukan partikular sa Banahaw.
Noong Abril 16 ay ibinulgar ni Jay Lim, project officer ng Tanggol Kalikasan (TK), sa kanyang Facebook ang patuloy at walang habas na labag sa batas na paghuhukay ng mga bato sa paanan ng Banahaw sa Sariaya partikular sa mga barangay ng Sto. Cristo, Sampaloc 2, Concepcion Bugon, Concepcion Pinagbakuran, Tumbaga, Canda, Limbon at Castañas.
Ipinakita niya ang nagaganap na pagwawasak sa likas na kapaligiran sa pamamagitan ng mga litrato na kasama sa kanyang ulat.
“Patuloy ang paglapastangan sa Inang Kalikasan sa Mount Banahaw. Walang humpay ang kasakiman ng tao,” ang malungkot at galit na pahayag ni Lim sa panayam ng Saksi Ngayon (SN).
Ayon kay Lim, ang nagaganap na illegal quarry ay sumasakop na rin umano sa “buffer zone” ng Banahaw.
Ayon sa RA 9847, ang “buffer zones” ay ang mga “identified areas outside the boundaries of and immediately adjacent to designated protected areas that need special development control in order to avoid or minimize harm to the protected area”.
Walang “buffer zone”
Naging viral sa Facebook ang post ni Lim kasabay ng panawagan ng mga galit na netizens na ipatigil ng lokal na pamahalaan ng Sariaya ang illegal quarry sa nasasakupan nilang lugar.
Sa paliwanag naman ni Magtanggol Barrion, forest ranger mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatutok sa Banahaw at San Cristobal, wala pa umanong itinatakdang buffer zone sa Banahaw ang Protected Area Management Board (PAMB).
Ganting argumento naman ni Lim: “Kung wala pa mang buffer zone, hindi maitatago at lantad na lantad ang lumalawak na illegal quarry sa paanan ng Banahaw na dapat sana ay hindi nagaganap kung binabantayan ito ng mga awtoridad”.
Dahil sa eksplosibong ulat ni Lim, nagpahayag si Sariaya Mayor Marcelo Gayeta na ipapahinto niya ang mapanirang paghuhukay sa paanan ng Banahaw sa kanilang bayan.
Naglunsad si Gayeta ng isang “signature campaign” sa Sariaya at hinikayat ang mamamayan na lumagda sa petisyon na magpapatigil sa illegal quarry.
Nagbigay siya ng logbook sa 43 barangay sa lokalidad upang doon pumirma ang mga tumututol. Ang mga logbook aniya ay isusumite niya sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaang nasyunal at probinsyal.
“Moratorium”
Subalit, hindi pa natatapos ang signature campaign ni Gayeta ay nag-utos si Quezon Governor Angelina Tan nang pagpapahinto sa quarry sa Sariaya sa ginawa niyang video message noong Abril 26.
Pagkalipas ng tatlong araw, nag-isyu si Tan ng Executive Order No. 20 na nagdedeklara ng “moratorium” o pansamantalang pagpapatigil sa mga ilegal na paghuhukay ng bato sa paanan ng Banahaw.
Sa paliwanag ng unang gobernadora sa lalawigan, hindi na kailangan ni Gayeta ang pagsasagawa ng signature campaign dahil may sapat aniyang kapangyarihan ang punong bayan na ipatigil at hulihin ang sinomang lumalabag sa batas sa kanyang lokalidad.
Pinuri ni Lim ang aksyon ng gobernadora. “Isa itong makabuluhan at napapanahong hakbang upang mapigilan ang anomang nakaambang kalamidad,” ang wika ni Lim.
Ayon kay Rommel Sarmiento, vice chair ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB), inatasan sila ni Tan na magsagawa ng masusing pag-aaral at pagtatasa sa bawat quarry operators kung sumusunod ba ang mga ito sa alituntunin ng pamahalaan.
Ang anomang pagmimina sa probinsya ay nasa ilalim ng kontrol at superbisyon ng PMRB.
Nasa 27 quarry operators sa paanan ng bundok Banahaw sa Sariaya ang may permiso mula sa PMRB, ayon kay Sarmiento.
Bukod pa aniya ang tatlong “large-scale quarry operators” na binigyan ng pahintulot ng DENR-Mines Geoscience Bureau. Niliwanag ni Sarmiento na ang DENR lang ang may kapangyarihan na magpahinto sa tatlo.
Ang operasyon ng quarry sa Sariaya ay nakatuon sa pagpapalalim ng ilog bilang bahagi ng flood control project ng lokal na pamahalaan.
Subalit ang ginagawa ng mga illegal quarry operators ay bumibili ng niyugan sa paanan ng Banahaw at ang lupain ang hinuhukay, kinukuha ang mga bato at dinadala sa mga rock crushing plants.
“Close, open”
Ngunit sa kabila ng EO No. 20 ni Tan, may naglunsad pa rin ng kilos protesta at panawagan para tuluyan nang sugpuin ang illegal quarry.
Noong Mayo 2, nagsagawa ng pagkilos ang samahang relihiyoso sa Sariaya sa pangunguna ng aktibistang pari, si Fr. Raul Enriquez.
“Matagal na ang operasyon ng illegal quarry. Ito ay close-open, close-open,” ang pahayag ni Enriquez sa panayan ng SN.
Si Enriquez ang nasa likod ng multi-sectoral na grupo, Kapatiran at Alyansang Alay para sa Kaunlaran ng Bayan–Quezon (Kaakbay-Quezon), na matagumpay na kumontra sa planong tollway extension na dadaan sana sa paanan ng Banahaw.
Sa misa na idinaos sa simbahan ng Sariaya bago nagmartsa patungo sa quarry area, nanawagan si Enriquez ng tulong mula sa langit upang itigil na ang pagwasak sa likas na kapaligiran sa kanilang bayan.
“Narito tayo ngayon upang magmakaawa sa Diyos. Ang nakababahalang sitwasyon ay hindi na kayang labanan ng mga protesta at ‘people’s power’. Tayo ay nananawagan ngayon sa kapangyarihan ng Diyos,” ang sabi ng aktibistang pari sa kanyang homiliya.
Kasama rin ni Enriquez ang isa pang bantog na aktibistang pari, si Fr. Robert Reyes, ang dating pinuno ng grupong Gomburza, isang samahan ng mga progresibong pari, madre at mga relihiyosong indibidwal at si Fr. Warren Puno, director ng Ministry on Ecology ng Diocese of Lucena.
Pagkatapos ng misa ay nagtungo ang mga nagproprotesta sa katabing munisipyo at umapela sa mga lokal na opisyal na wakasan na ang paglapastangan sa Inang Kalikasan bago nagmartsa patungo sa mga quarry sites at nagdasal.
“May illegal quarry pa rin”
Subalit ayon kay Lim, nagpapatuloy pa rin ang illegal quarry sa kabila ng moratorium order ni Tan.
“Kahit sa gabi, may nagaganap na quarry. Nagigising ang mga natutulog na residente sa ingay ng mga dumadaang naghahakot na trak,” ang impormasyon ni Lim.
Noong manalasa ang bagyong Aghon bago matapos ang buwan ng Mayo, lalong nag-ibayo ang takot ng mga naninirahan sa mga quarry sites dahil sa walang tigil na buhos ng malakas na ulan.
“May basehan ang kanilang takot sa bawat walang patid na malakas na ulan,” ani Lim.
Noong 2009, dalawang tao ang namatay matapos silang mahulog at malunod sa malaking butas na resulta ng quarry sa Sto. Cristo noong pananalasa ng bagyong “Santi”.
At napatunayan ang impormasyon ni Lim na patuloy ang illegal quarry nang masabat ng magkasamang puwersa ng lokal na pulisya at tauhan ng PMRB noong Agosto 13 sa Barangay Concepcion
Pinagbakuran ang isang dump truck na puno ng mga iligal na graba mula sa mga quarry sa Banahaw. Ang trak ay may sakay ding backhoe na ginagamit sa paghuhukay ng bato.
“Ito ang konkretong patunay sa mga naunang reports namin na patuloy ang illegal quarry,” ang pahayag ni Lim matapos lumabas ang ulat ng pulisya.
“Local Government of Sariaya”
Sa harapan ng nahuling trak ay may nakataling streamer na may nakasulat: “Local Government of Sariaya”; “Project: Construction of New Sanitary Landfill – Barangay Sto. Cristo”.
Nakasulat din sa streamer ang “ECC” (Environment Compliance Certificate) number at “Gratuitous Permit” number.
Agad namang tumanggi si Gayeta na pag-aari ng lokal na pamahalaan ang nasabing sasakyan.
Sa video message sa kanyang Facebook page, binigyang diin ni Gayeta na hindi niya nilalabag ang moratorium order ni Tan.
Hindi pa naglalabas ng kabuuang ulat ang PMRB hinggil sa kung sino ang may-ari ng trak. Subalit batay sa impormasyon ng SN, may isinasagawa ngang “sanitary landfill project” ang lokal na pamahalaan sa Sto. Cristo.
Hinamon ni Lim si Gayeta na ilantad ng mayor ang kontratista ng proyekto. “Usigin at ipakulong niya ang nasa likod ng illegal quarry materials na kargada ng trak”.
“Hindi sapat ang kanyang pagtanggi. Kailangan niyang magpakita ng desidido at konkretong hakbang na tuluyang magpapatigil ng illegal quarry sa kanyang bayan,” ang dagdag pang hamon ni Lim.
Umapela si Lim sa mamamayan ng Sariaya na sama-samang kumilos upang tuluyan nang wakasan ang ginagawang pagwasak sa kanilang likas na kapaligiran sa bahagi ng Banahaw.
“Sa maraming parte ng mundo ay may mga kaganapan nang nagpapakita nang pagganti ng Inang Kalikasan sa paglapastangan sa kanya ng tao. Huwag na nating hintaying maganap ito sa atin,” ang pahayag ni Lim.
153