NUEVA VIZCAYA – Umabot sa 14 pasahero ang nasugatan matapos na mahulog sa gilid ng highway ang isang pampasaherong jeep sa Barangay Sto. Domingo sa bayan ng Bambang sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Ayon sa Bambang Police, galing sa Aritao at papuntang Solano ang jeep na lulan ang 16 pasahero nang mangyari ang insidente.
Tinatahak ng jeep na minamaneho ni Ambrocio Ramel Jr., 58-anyos, ang palusong na bahagi ng Pan-Philippine highway nang mawalan umano ito ng preno, hindi kalayuan sa tulay sa Magat river.
Pinilit ng driver na iwasang masalpok ang mga sinusundang sasakyan kaya tinahak nito ang kabilang lane.
Subalit nagkataong paparating naman ang isang kasalubong na van na minamaneho ni Elmer Pimentel Fabian, at bahagyang nasalpok nito kaya lumihis uli ang jeep pabalik sa kanang bahagi ng kalsada.
Sumalpok muna ito sa steel railings bago nahulog at tumagilid sa hindi kalalimang tabi ng kalsada, ilang metro na lamang ang layo sa Batu Ferry Bridge.
Wala namang nasaktan sa mga sakay ng van ngunit isinugod sa ospital ang 14 na sakay ng jeep dahil sa mga sugat at pinsala sa kanilang katawan.
Ikinustodiya naman ng Bambang police ang driver ng jeep habang patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
