KAGAWAD ARESTADO SA BARIL, GRANADA

BATANGAS – Kalaboso ang isang barangay kagawad matapos makumpiskahan ng iba’t ibang mga baril, granada at bala sa pagsalakay ng mga awtoridad sa kanyang bahay sa Brgy. Ticub sa bayan ng Laurel sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.

Hindi nakapalag ang 44-anyos na na si Rennel Canta nang arestuhin ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit ng Batangas PNP at mga tauhan ng Laurel Municipal Police Station, nang wala itong maipakitang ano mang dokumento sa kanyang itinatagong mga armas.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang 9mm na baril, isang granada at isang kalibre .38 revolver, mga magazine at bala.

Ang pagsalakay ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 66, Fourth Judicial Region, Tanauan City noong Setyembre 13, 2022.

Nasa kustodiya na ng Laurel Police ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (qualified unlawful possession of small arms and ammunitions) at Republic Act 9516 (illegal possession of explosives). (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment