CEBU – Patay ang isang incumbent barangay councilor na kumakandidato bilang punong barangay sa darating na BSKE, matapos na pagbabarilin ng riding in tandem gunmen sa national highway sa Barangay Prenza, sa bayan ng Balamban sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Anastacio Pacquiao, 60-anyos, kagawad at kandidatong kapitan ng Barangay Cansomoroy.
Ayon sa report ng Balamban Police, mag-aalas-5:00 ng hapon, galing sa kanyang bahay ang biktima at sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin ito ng hindi kilalang mga suspek.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Ayon sa pamilya ng biktima, wala naman itong natanggap na anomang death threat bago nangyari ang pamamaril.
Personal na alitan ang isa sa tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa pamamaslang.
(NILOU DEL CARMEN)
