KAPITBAHAY TINARAKAN DAHIL SA BISIKLETA

ARESTADO ang isang lalaki makaraang apat na beses na saksakin ang umawat na kapitbahay dahil sa pagwawala ng suspek bunsod ng nakabalagbag na bisikleta sa Valenzuela City.

Sinakote ng mga awtoridad ang suspek na si Marc Ale B. Canuto, 29, habang itinakbo sa Valenzuela Emergency Hospital at inilipat sa Valenzuela Medical Center kung saan nananatiling nakaratay ang biktimang si Jayrald Cabrera, 38-anyos.

Nangyari ang insidente dakong umaga noong Oktubre 27 sa Dela Cruz St., Dulong Tangke, Malinta, ng lungsod, kung saan nagwala umano si Canuto dahil may nakaharang na bisikleta sa daanan niya.

Nang tangkaing payapain ni Cabrera ang suspek ay sinaksak siya nito ng apat na beses sa tiyan.

Itinakbo sa ospital ang biktima habang tumawag ng pulis ang mga kalugar nito na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nakumpiska ang ginamit na kutsilyo sa krimen. (ALAIN AJERO)

14

Related posts

Leave a Comment