TINIYAK kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na walang paglabag sa karapatang pantao na magaganap oras na tuluyang ipatupad ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon kay AFP Chief of Staff at kasalukuyang chairman ng Joint COVID Task Force, General Felimon T. Santos na kanilang iginagalang ang pananaw ng mga tao o grupong sumasalungat sa nasabing batas partikular ang mga nasa likod ng petisyon na inihain sa Supreme Court.
“The petitioners have all the rights to go to court and it is up to SC now to evaluate but we believe that there is nothing in the law that will defeat the people’s rights,” ani Gen. Santos.
“Only those who are in the business of committing terrorist acts as contained in the law should be afraid. Law-abiding citizens should not,” ani Gen. Santos.
Ang Anti-Terrorism Act of 2020 o ang Republic Act No. 11479 ang pumalit sa Human Security Act of 2007 na naging epektibo nuong July 18, 2020.
Mayroon nang siyam na petisyon laban sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Law na pending sa Supreme Court at asahan pa na sa darating na mga araw ay marami pa umanong maghahain ng petisyon.
Samantala, hindi naman apektado ang militar sa mga bumabatikos sa kontrobersiyal na Anti- Terrorism Act of 2020.
Sa isang panayam, tiniyak din ni Western Mindanao Command chief Ltgen Cirilito Sobejana na pangunahing lumalaban sa mga terorista sa rehiyon ng Mindanao na walang pang-aabuso na mangyayari dahil mataas ang kanilang pagrespeto sa karapatang pantao.
Siniguro ni Sobejana, anoman ang kanilang magiging hakbang ay naaayon sa Saligang Batas.
Nilinaw ng heneral na sa kanilang mga nasa frontline kontra terorismo ay malaking tulong ang Anti-Terror Law dahil halos lahat ng local terrorists ay nag-o-operate sa area ng Western Mindanao gaya ng mga Abu Sayyaf at local -ISIS influenced groups gaya ng Daulah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters or BIFF.
Sa kasalukuyan ay inaantabayanan na lamang ng pamunuan ng AFP ang lilikhaing Implementing Rules and Regulation para sa pagpapatupad ng RA No. 11479 na siya namang magiging basehan ng security forces sa implementasyon nito. (JESSE KABEL)
107