KAWALAN NG TEST OF ECONOMIC VIABILITY NG MIF, MAAARING IDULOG SA SC

MAAARING kwestyunin sa Korte Suprema ang ipinasang Maharlika Investment Fund ng Kongreso bunsod ng kawalan ng test of economic viability.

Ayon kay Senador Chiz Escudero, ang test of economic viability ay isang dokumentong magpapatunay na kikita ang lilikhaing Maharlika Investment Corporation o MIC.

Ipinaliwanag ni Escudero na isa ang test of economic viability sa mga requirement sa pagbuo ng Government Owned and Controlled Corporation.

Sinabi ng senador, ginawa ito kasunod ng pagkalugi ng maraming Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) at binalikat ng taumbayan ang mga bayarin nito.

“Kaya isa sa mga requirement na inilagay nila na dapat may test of economic viability. Ibig sabihin hindi dapat malugi ang kumpanya, dapat kumbinsido tayo na hindi malugi ang kumpanya.

Dokumento yan na dapat isumite sa Kongreso na dapat timbangin yan, dapat pag-aralan yan,” saad ni Escudero.

Binigyan-diin ni Escudero na para sa kanya ang isinumiteng business proposal ay hindi tumutugon sa sinasabing test of economic viability.

Gayunman, aminado ang senador na hindi malinaw ang pangangahulugan hinggil sa test of economic viability na maaaring mabigyang-linaw ng Korte Suprema na maaaring maglabas ng ligal na interpretasyon hinggil dito.(Dang Samson-Garcia)

130

Related posts

Leave a Comment