BOHOL – Patay ang isang councilor ng bayan ng Buenavista sa lalawigang ito, makaraang pagbabarilin ng riding in tandem suspects dakong alas-12:00 ng madaling araw nitong Biyernes.
Kinilala ang biktimang si Councilor Danilo Añora, residente ng Barangay Dait Norte.
Ayon sa imbestigasyon ng Buenavista police, galing sa sabungan ang konsehal, sakay ng kanyang motorsiklo at pauwi na sa kanyang bahay nang habulin ito ng mga suspek na magkaangkas sa isa ring motorsiklo.
Nang maabutan ng mga suspek ang biktma sa national highway sa tapat ng Cangawa National High School sa Barangay Cangawa ay doon pinagbabaril.
Tinamaan ng mga bala sa ulo at katawan ang biktima na isinugod sa Francisco Dagohoy Hospital sa bayan ng Inabanga subalit idineklarangg dead on arrival ng doktor.
Napag-alaman na may nakaalitan ang biktima sa sabungan bago ito umalis at isa ito sa tinitingnang motibo sa pamamaslang.
Nagkaroon ng special derby dahil sa bisperas ng piyesta sa nasabing bayan.
Hindi rin inaalis ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang insidente dahil ang barangay na tinitirahan ng biktima ay nasa COMELEC Election Area of Concern.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at naglagay ng mga checkpoint at pinaigting ang seguridad sa mga pantalan para hindi makaalis ang mga suspek.
Magbubuo rin ang mga awtoridad ng special task group na siyang mag-iimbestiga sa naturang krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
