HUMINGI ng assistance ang Cavite Police sa Land Transportation Office (LTO) sa Tagaytay City hinggil sa pagkakakilanlan ng registered owner ng isang Hyundai Grand Starex na sinakyan ng isang Korean national na halos mahigit sampung araw nang nawawala sa Silang, Cavite, iniulat noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang umano’y nawawalang biktima na si Daehyun Mun, 58, isang lalaking Korean national, naninirahan sa Brgy. Sabutan, Silang, Cavite.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Ralph Jayson Santos ng Silang Police Station, alas-7:00 ng gabi nang personal na nagtungo ang asawa ng biktima na si Marilyn hinggil sa nawawala nitong mister.
Sa kanyang salaysay, alas-3:00 ng hapon noong Oktubre 15 nang umalis ang Koreano sa Warehouse sa Brgy. Sabutan, Silang, Cavite sakay ng isang kulay creamy white/dark/gray na Hyundai Starex na may plakang AAX 4105, kasama ang isa pang Koreano na isang Mr. Kim.
Simula noon ay hindi na ito nakabalik kaya tinangka niyang hanapin at nagtanong sa ilan nilang mga kaibigan subalit wala silang nakuhang impormasyon dahilan upang ipagbigay-alam na ito sa pulisya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at koordinasyon sa iba pang mga ahensiya.
(SIGFRED ADSUARA)
127