NADAKIP sa ikinasang “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti- Criminality Law Operation (SACLEO) ng Manila Police District- Sampaloc Police Station 4, ang isang lalaki makaraang makumpiskahan ng umano’y shabu at sumpak sa panulukan ng Algeciras at Honradez Streets, Sampaloc, Manila noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Franklin Guitan, 24, binata, ng Brgy. Malinta, Valenzuela City.
Batay sa ulat ni Police Staff Sergeant John Rupert Agustin, habang nagsasagawa ng operasyon hinggil sa ilegal na droga ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) bandang alas-9:00 ng gabi sa naturang lugar, nang mamataan nila ang suspek na kahina-hinala ang kilos.
Agad itong sinita ng mga awtoridad at ininspeksyon na nagresulta sa pagkakakumpiska sa anim na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang 25 gramo at P170,000 ang street value.
Bukod sa droga, nakumpiska rin sa suspek ang isang improvised shot gun o sumpak.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 in relation to BP 881 (Omnibus Election Code of the Philippines). (RENE CRISOSTOMO)
229