LAS PIÑAS HOSPITAL BINIGYAN NG LIBRENG PCR MACHINES

PINASALAMATAN ni Senador Cynthia Villar ang San Miguel Foundation Inc. sa kanilang donasyong Polymerase Chain Reaction (PCR) Machine  na maaaring sumuri ng corona virus 2019 (COVID-19) para sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center (LPGHSTC).

Sa pahayag, sinabi ni Villar  na napabilis ang pagdating ng PCR machines sa tulong na rin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

Ayon kay Villar, ang PCR machine na may UPS, AVR at laptop ay magandang karagdagang equipment sa LPGHSTC’s COVID-19 Testing Laboratory.

Nauna nang nagbigay si Villar noong Hunyo ng unang set ng equipment para sa naturang laboratoryo. Kabilang rito ang passbox, biological freezer, biological refrigerator, autoclave sterilizer at ventilator.

Parehong gagamitin ng LPGHSTC Testing Laboratory ang kanilang Genexpert machine at ang kabibigay na PCR machine upang mapaigting ng ospital ang kapasidad nito sa pagproseso ng mas maraming COVID-19 tests.

“On behalf of all Las Piñeros, I am thankful to San Miguel, the PCR will be a big help in enhancing the responsiveness of Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center in dealing with COVID-19,” pahayag ni Villar sa isang statement.

“As we all know, hospitals especially in Metro Manila are operating in full capacity as the number of cases increases, so they need all the help they can get,” dagdag pa nito.

Nagbigay rin ang San Miguel Foundation ng COVID-19 testing booths at PCR Machines sa ilang local government units (LGUs) upang makatulong na palakasin ang blood testing capacities.

Sinusuportahan ni Villar ang ospital simula pa noong kongresista ito ng Las Piñas. Siya ang may akda ng Republic Act 9240 noong 2004 para i-convert ang Las Piñas District Hospital sa LPGH & STC at dagdagan ang bed capacity nito sa 200 mula dating sa 50 lamang.

Kamakailan lamang,  naghain si Villar  ng Senate Bill No. 143 para gawing 500 mula sa dating 200 ang bed capacity ng  LGPH & STC at para mapaganda rin ang service facilities at professional healthcare services nito.

Inaprubahan  na sa Senado ang naturang panukala. Ipinasa na rin sa Kamara noong March 2, 2020 ang counterpart measure nito na inakda ni Las Piñas Representative Camille Villar.

Naglaan din ang senador ng P500 milyon sa 2021 upang pondohan ang expansion ng LPGH & STC. Nakatakdang matapos ang konstruksyon ng karagdagang eight-storey building sa susunod na taon.

Ngayong taon, naglaan din ang senadora P144 milyon na gagamiting pambili ng lupa para masimulan ang konstruksyon ng hospital building.

Sa expansion ng LGPH & STC, magkakaroon ng hiwalay na pasilidad ang mga COVID-19 at non-Covid patients upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Ang LPGH & STC ay DOH-operated hospital ay nagsisilbi sa National Capital Region (NCR) at karatig na mga lalawigan. (ESTONG REYES)

69

Related posts

Leave a Comment