LIBRENG SAKAY HANGGANG HUNYO 30 NA LANG – LTFRB

TULUYAN nang tutuldukan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang programang Libreng Sakay sa hudyat ng pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30,2022.

Partikular na tinukoy ng LTFRB ang libreng sakay sa mga tren ng Metro Rail Transit – Line 3 at sa mga pampasaherong jeep na bumibiyahe sa nalalabing 28 ruta sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila. Katwiran ng ahensya – ubos na ang pondo para sa naturang programa.

Ayon sa LTFRB, nasaid na ang P7-bilyong pondong mula sa national government. Anila, nasa P17 milyon kada araw ang gastos ng gobyerno sa naturang programang tugon sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan.

Hunyo 16 nang unang wakasan ng LTFRB ang programang Libreng Sakay sa 118 ruta.

“As much as we want to continue with the program na aabot pa sana hanggang December but because the number of the participants also na sumali rin sa atin kaya nagkaroon ng exhaustion of funds,” ayon kay LTFRB Executive Director Kristina Cassion.

Gayunpaman, posibleng ituloy pa rin ng susunod na administrasyon ang nasabing programa.

“Ang end ng Duterte administration kasi is June 30. Any extension will be up to the next administration, kung ano ‘yung policy nila,” ayon naman kay MRT-3 general manager Michael Capati.

Mananatili naman hanggang Hulyo 30 ang Libreng Sakay sa mga bus na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA Carousel.

Samantala, sinabi rin ng LTFRB na maglalabas ng pasya sa petisyong dagdag-singil sa pasahe ng mga pampasadang jeep ang kanilang ahensya bago matapos ang buwan.

Giit ng mga transport groups, P4 hanggang P5 dagdag singil sa unang apat na kilometro.

“If in case the board will grant the fare petitions, ‘yun ang sasalubong sa mga commuters on July possibly na mapa-pass sa kanila ang burden,” ani Cassion. (LILY REYES)

Related posts

Leave a Comment