LAGUNA – Isang babae at dalawang menor de edad na anak nito ang kinidnap umano sa Sta. Rosa City sa lalawigan at humihingi ang mga “kidnaper” ng halagang P1,500,000 ransom money sa dating biyenan ng ginang, na lola ang mga bata.
Ayon sa unang report ng Santa Rosa City Police Station, alas-12:36 ng tanghali noong Huwebes nang kidnapin umano ang ginang na si Mariedon at dalawa nitong anak na may edad 7 at 9, sa Brgy. Aplaya.
Agad nagsumbong sa pulisya ang dating biyenan ng ginang na si Milagros Vallejo matapos na magpadala ng video clip sa pamamagitan ng messenger ang sinasabing kidnaper, gamit ang cellphone at account ni Mariedon.
Makikita sa video na nakagapos ang dalawang bata katabi ang isang lalaking nakasuot ng hoodie jacket.
Ngunit ayon kay PLt. Col. Dwight Fonte Jr., hepe ng Sta. Rosa City Police Station, sa kanilang ginawang backtracking sa mga kuha ng CCTV sa lugar, nakita nilang maayos na sumakay sa isang pampasaherong jeep ang mag-iina bago ang sinasabing pagkidnap sa mga ito, kaya nagduda sila sa pangyayari.
At sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa suspek gamit ang cellphone ng ginang noong nakaraang gabi, inamin nito na hindi naman sila totoong nakidnap at gawa-gawa lamang nila ang pangyayari para makakuha ng pera sa biyenan na pambayad nila ng utang.
Nangako itong ibabalik ang mga bata at uuwi na sila sa kanilang bahay.
Hinala naman ng pulisya na ang bagong ka-live in ng babae ang lalaki sa video na nakasuot ng hoodie jacket.
Patuloy pa ang imbestigasyon at posibleng maharap sa kaso ang ginang. (NILOU DEL CARMEN)
99