MAG-INA PATAY SA SUNOG SA CAVITE

CAVITE – Patay ang isang mag-ina nang lamunin ng apoy ang kanilang bahay habang mahimbing na natutulog sa bayan ng Noveleta sa lalawigang ito, nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang mag-ina na si Marilen Tamayo y Noceda, 39, at 8-anyos nitong anak, kapwa residente ng Brgy. Salcedo 2, Noveleta, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-12:42 kahapon ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Brgy. Salcedo, Noveleta, Cavite habang mahimbing na natutulog ang pamilya Tamayo sa kanilang bahay.

Nabatid na naiwanan nilang may baga pa ang kahoy na kanilang ginamit sa pagluluto na pinagmulan ng sunog at dahil yari sa light materials ang kanilang bahay ay mabilis itong naglagablab.

Nagising naman ang mag-ama at mabilis na nakalabas subalit naiwan ang kanyang mag-ina kaya tuluyang nilamon ng apoy.

Dakong ala-1:04 ng madaling araw nang ideklarang fire-out ang sunog.

(SIGFRED ADSUARA)

51

Related posts

Leave a Comment