MAG-UTOL, 1 PA HULI SA MOTORNAPPING

CAVITE – Tiklo isang magkapatid at isa pang kasamahan nila matapos umanong tumangay ng nakaparadang motorsiklo sa bayan ng Mendez sa lalawigang ito, noong Huwebes ng madaling araw

Kasong paglabag sa RA No. 10883 ang kinahaharap ng magkapatid na suspek na sina Kim Padin Alegre, 20, at Joshua Padin Alegre, 21, at kasamahan nila na si Jerben Octa Barsaga, 21, habang pinaghahanap ang isa pa.

Kinilala naman ang may-ari ng motorsiklong Honda Wave na may plakang OYT-179, si Arnel Peji Golez, 36, ng Brgy. Panungyan 1, Mendez, Cavite.

Ayon sa ulat ni Corporal Christian Espiritu ng Mendez Police Station, alas-6:00 noong Miyerkoles ng gabi nang iparada ng biktima ang kanyang motorsiklong Honda Wave sa highway sa harapan ng kanilang bahay sa Brgy. Panungyan 1, Mendez, Cavite ngunit kinabukasan ng Huwebes ay hindi na ito natagpuan.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, nakita ng mga saksing tricycle drivers ang apat na kalalakihan habang hila-hila ang motorsiklo dahilan upang magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay Espiritu, bagama’t hindi narekober ang motorsiklo sa mga suspek, positibo namang kinilala ng mga saksing tricycle drivers ang mga ito na nakita nilang humila ng nasabing motorsiklo. (SIGFRED ADSUARA)

22

Related posts

Leave a Comment