MAS nakaka-adik ang asukal, kape at iba pang produkto kaysa sa kontrobersiyal na medical cannabis o marijuana, ayon sa mga eksperto.
Ito ang sinambit ng isang medical researcher kaugnay sa patuloy na pagkabinbin ng aksiyon ng Kongreso hinggil sa pag-apruba o pagpayag na gawing gamot ang medical cannabis.
Ayon kay Chuck Manansala, presidente ng Masikhay Research, magkakaroon ng kidney ailment, o sakit sa puso kung patuloy ang paggamit ng asukal at iba pang karamdaman sa pag-inom ng kape.
Naroon din sa Media Health Forum ng Bauertek Corporation, ang mag-asawang Arthur at Maria Guadalyn Reyes ng Sensible Philippines at may-ari mg Mabuhigh Maharlika Corporation
Company Limited sa Thailand, isang cannabis dispensary shop. Ito rin ang kauna-unahang cannabis dispensary sa Thailand at sa buong mundo.
Nagtataka si Arthur kung bakit hindi pa pinapayagan ng mga mambabatas ang paggawa ng gamot mula sa medical cannabis, gayong legal na ito sa maraming bansa, katulad ng Thailand.
Binanggit ni Dr. Richard Nixon Gomez, presidente at general manager ng Bauertek Corporation, isang research, development and manufacturing company sa Guiguinto Bulacan, na kung naaprubahan lang ng mga mambabatas ang paggamit ng marijuana bilang gamot, ito ay malaking tulong din sa ekonomiya ng bansa.
Ang kahandaan umano ng Bauertek Corporation ay maikumpara sa ibang pasilidad na kanyang napuntahan at tanging lisensiya lamang ang kulang upang ang pharmaceutical company ay makagawa na ng gamot mula sa marijuana.
Marami umano ang makikinabang kapag naaprubahan na ang may siyam na panukalang-batas na naglalayong payagang gumawa ng gamot mula sa medical cannabis.
“Ang unang makikinabang dito ay mga pasyente, pangalawa ay ang ating bansa dahil base sa forecast, by 2030, global cannabis trade will go up, up to $180 billion. May kakayanan tayong humabol ng at least 2 percent ng global cannabis trade, that translates to $3.6 billion or P40-million in annual taxes,” paliwanag ni Gomez, idinagdag pa nito na milyong proyekto ng pamahalaan ang mapopondohan bukod pa sa maraming trabaho ang maisusulong.
276