MATAAS NA BUWIS SA PRIBADONG PAARALAN, PINABABAWI

0

IGINIIT ng Senate Committee on Ways and Means sa Department of Finance at Bureau of Internal Revenue na pag-aralang suspendihin ang revenue regulation na nagpapataw ng mas mataas na buwis sa private education institutions.

Sa pagdinig ng komite sa pangunguna ni Senador Pia Cayetano kaugnay sa inihaing Senate Bill 2272, iginiit ni Senate Minority Franklin Drilon na habang hindi pa naipapasa ang panukala, mas makabubuting bawiin na muna ang RR 5-2021 na nagpapataw ng 25 percent na corporate income tax sa private schools.

Binigyang-diin ni Drilon na dahil pabor naman ang DOF at BIR sa Senate Bill 2272, mas makabubuting bawiin na nila ang regulasyon upang maiwasan ang iba pang suliranin sa patuloy na implementasyon nito.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na dahil magsisimula na ang panibagong school year kaya’t urgent ang panawagang suspendihin ang revenue regulation.

Hindi naman agad makapagdesisyon ang DOF at BIR sa hiling ng senador kaya’t nagdesisyon si Cayetano na bigyan ng dagdag na panahon ng mga ahensya para tumugon sa hiling.

Sinabi ng pangunahing author ng panukala na si Senador Sonny Angara na simple lamang ang layunin ng Senate Bill 2272 at ito ay ang bigyang linaw ang section 27 sa National Internal Revenue Code.

Iginiit ni Angara na ang 25 percent na corporate income tax ay magsisilbing ‘final nail in the coffin’ ng mga maliliit na pribadong paaralan.

Ipinaalala naman ni Senador Joel Villanueva sa kanyang manifestation sa pagdinig na 53 percent ng 6.18 milyong Pinoy na nakapagtapos sa kolehiyo ay produkto ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

Nangangahulugan ito na kung ipagpapatuloy ang pagpapataw ng mataas na buwis sa mga pribadong paaralan ay maraming estudyante ang maaapektuhan. (DANG SAMSON-GARCIA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment