MISIS HINDI NA OBLIGADONG GAMITIN APELYIDO NI MISTER

SENADO na lang ang hinihintay para tuluyan nang isabatas ang panukalang magbibigay laya sa kababaihang hindi na gamitin ang apelyido ng kanilang asawa.

Sa botong 227, lusot na sa Kamara ang House Bill 10459 na magbabago sa ilang probisyon sa ilalim ng Republic Act 386 (New Civil Code of the Philippines) na nagtatakda ng pagpapalit apelyido ng mga babae sa bisa ng kasal.

“Malaking hakbang ito para sa kababaihan, lalo’t hindi natin mapagkakaila na ang pagbabago ng apelyido ng isang babae ay porma ng diskriminasyon sa pagrerelasyon, na tila ba kailangan niyang pantayan ang pangalan ng kanyang asawa,” ani Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas.

Gayunpaman, nilinaw ng kongresista na hindi naman ipinagbabawal sa mga kababaihang gamitin ang apelyido ng kanilang asawa. Pakay lamang aniya ng nasabing batas na bigyang laya lang ang mga maybahay na panatilihin ang kanilang apelyido sa pagkadalaga.

“Marami ring kababaihang biktima ng domestic abuse ang nahihirapang kumawala sa kanilang masalimuot na karanasan dahil nakakabit sa kanilang pangalan ang apelyido ng nang-abuso sa kanila,” dagdag pa ni Brosas.

Sa katunayan aniya, mas marami na ngayon ang gumagamit ng sariling apelyido kahit kasal na. (BERNARD TAGUINOD)

8

Related posts

Leave a Comment