Mistulang New Year COC FILING SA LANAO SUR SINABAYAN NG PUTUKAN

BINULABOG ng walang habas na putukan ng baril ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato sa Comelec office sa Malabang, Lanao del Sur noong Huwebes ng umaga.

Sa Facebook post ng isang residente, makikita sa video na tila balewala lamang sa mga residente ang nangyayaring putukan ng baril malapit sa Comelec office sa Barangay Chinatown at normal na naglalakad sa kalsada ang mga tao.

Makikita rin sa video na may nagbabantay naman na mga pulis sa lugar pero pinuna ng mga residente ang tila hindi pag-aksyon ng mga ito sa nangyayari sa kabila ng umiiral na Comelec gun ban at ipinagbabawal ang pagdadala ng anomang uri ng sandata.

Dahil sa pangyayari, natigil ang pagpa-file ng COC ng mga kakandidato na nakapila na sa harap ng Comelec office.

Wala sa kanyang tanggapan ang Comelec officer ng Malabang nang mangyari ang indiscriminate firing.

Dumadalo umano sa Joint Coordinating Conference ng BARRM region sa Cotabato City ang election officer kung saan panauhin si Comelec Chairman George Garcia.

Ayon sa mga residente, mga supporter ng isang kandidato ang mga nagpapaputok ng baril na layunin umano ay takutin ang grupo ng kalabang kandidato na magpa-file ng COC ng mga oras na ‘yun.

Wala namang iniulat na nasaktan o tinamaan ng bala sa nangyaring pagpapaputok ng mga baril.

Sa pahayag naman ni P/Maj. Alinaid Moner, PIO ng Lanao del Sur PPO, patuloy pang iniimbestigahan ng Lanao PPO at Malabang police ang nangyaring insidente.

Kaagad din aniyang tinugis ng mga tauhan ng Malabang Police ang mga hindi nakilalang suspek subalit mabilis na nakatakas ang mga ito.

Inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga nagpaputok at sasampahan ng kaso.

Hinggil naman sa hindi pag-aksyon kaagad ng mga pulis na nakita sa video, sinabi ni Moner na isinaalaang-alang muna ng mga pulis ang pagbabantay sa tanggapan ng Comelec dahil posible umanong isa itong strategy at nasa malayong lugar ang mga nagpapaputok, at kapag umalis ang mga nagbabantay na pulis ay ang Comelec office ang targetin ng mga suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

307

Related posts

Leave a Comment