LAGUNA – Tatlo ang namatay habang lima ang sugatan matapos na salpukin ng isang pick-up ang kasalubong na isang tricycle at isang motorsiklo sa National Highway, Brgy. Bucal, Calamba City nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon sa report ng Calamba City Police, unang nasalpok ng Ford Ranger Raptor na minamaneho ng babaeng driver na si Alyssa Mae Abitria, ang tricycle na sinasakyan ng mag-anak na mga residente ng Brgy. Real, Calamba City.
Kapwa namatay ang 35-anyos na padre de pamilya na si Gilbert Palupit na siyang nagmamaneho, at ang 34-anyos na asawa nito na si Aileen Palupit, at ang kanilang anak na 4-anyos na batang babae.
Sugatan din ang tatlo pang anak na babae ng mag-asawa, na may gulang na 9, 10, at 12-anyos.
Nasalpok din ng pick-up ang motorsiklo ng magka-angkas na mag-asawang sina John Ray San Juan at Myla San Juan na mga taga Nagcarlan, Laguna.
Isinugod ang mga biktima sa isang ospital sa Calamba City ng nagrespondeng mga tauhan ng CDRRMO at iba pang rescue unit subalit idineklarang dead on arrival ang tatlo sa mga ito.
Lumabas sa imbestigasyon na dakong alas-3:30 ng madaling araw, magkasunod na tumatakbo ang tricycle at motorsiklo sa kanilang linya nang biglang sinalubong ang mga ito ng pick-up.
Sa lakas ng impact, nawasak ang tricycle at motorsiklo at tumilapon sa kalsada ang nga biktima na pawang dumanas ng grabeng pinsala.
Nasa kustodiya na ng Calamba City Police ang driver ng pick-up na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious physical injuries and multiple damage to property.
(NILOU DEL CARMEN)
390